Isang Panaginip

Nagising si Lia sa nagwawalang alarm clock sa kanyang bedside table. Hindi pa lubusang mulat ang mata ay bumangon na sya. Isang magulong living room ang nakita nya paglabas ng kwarto. Parang dumaan ang bagyo na no. 3 ang signal. Kagabi pa nya nadatnan ang ganitong eksena. Marahil ay nagrambulan na naman ang kanyang mga pamangkin.

Nagtuloy sya sa kusina para maghanda ng makakain. Ngunit wala rin syang napala dahil parang nilimas ang kanyang pagkain sa kusina. Ubos na pala ang mga stock nila.

“Hindi man lamang nagsabi.”, usal ni Lia. Wala syang nagawa kundi ang bumalik sa kwarto para maghanda na sa pagpasok sa opisina.

Paglabas nya ay pinakatitigan pa nya ang mga nagkalat. Mamaya na lang nya ito iimisin. Ang tangi nyang nahiling ay sana, may magandang mangyari sa opisina.

Pero salungat ang kanyang nadatnan. Gabundok na papeles ang nakapatong sa kanyang table. Hindi nya tuloy malaman kung tutuloy ba sya sa pagpasok o uuwi na lang sa bahay nila.

Nanghihina syang napaupo sa kanyang swivel chair at nanlulumong tiningnan ang nakatambak sa kanyang mesa.

Maya-maya ay may kumatok.

“Tuloy.”

Pumasok ang isa nilang empleyado.

“Ma’am, I’m sorry po. Nagkamali po ako ng hated ng mga papeles.”

Lumapit ito sa table niya at binuhat ang mga nakapatong doon.

“kay ma’am Ackee po pala ang mga ito.”

Ang tinutukoy nito ay ang sa katabi nyang office.

“Sorry po ma’am.”

“Ok lang.” sabi nya, pero sa totoo lang ay gusto na nya itong kutusan. Papatayin sya nito sa trabaho kung nagkataon.

Pagkalabas nito ay napasandal sya sa kanyang upuan. Hindi pa sya nakakarecover ng bigla ulit bumukas ang pinto at pumasok ang kanyang bestfriend.

“Goodmorning best.”

“What’s good in the morning?” anas ni Lia.

Kumunot ang noo ni Anet.

“Don’t tell me magsinlaki na naman ang problema nating dalawa?”

Si Lia naman ang napakunot-noo.

“Bakit? Ano naman ang problema mo?”

Napahalukipkip si Anet.

“Si tatay ayun. May sakit. Sabi ko magpacheck-up. Alam mo ba ang sinabi?” naiiritang tanong ni Anet.

“Umayaw?” panghuhula ni Lia.

“Oo. Aba, ang sabi ba naman ay wag na pumunta sa doctor. Kasi pag ikaw daw magpacheck-up, kahit na wala kang sakit, gagawan at gagawan ka ng sakit. Tapos reresetahan ka pa ng pinakamahal na brand ng gamot. Parang yung kumpare daw nya. Meron daw tumor sa baga.”

“Anong nangyari sa kumpare ng tatay mo?”

“Namatay.”

“Hindi ba ginamot?”

“Sa atake sa puso namatay. Hindi kinaya ang laki ng bayarin. Kaya ayun.. tigok.”

Hindi malaman ni Lia kung matatawa ba sya o maaawa sa kinukwento ng kaibigan nya. Napailing na lang sya.

“Kumain ka na ba?” nakangiti na nyang tanong dito.

“Sino ba naman ang makakakain sa lagay sa bahay namin.” Umirap pa ito.

“Halika na nga. Magbreakfast muna tayo. Hindi pa rin ako kumakain eh.”

Sa labas ng opisina ay marami ng empleyado ang nagsisimula na sa kani-kanilang gawain, samantalang ang iba ay todo pa rin sa kwentuhan.

“Oi nanganak na pala si Malou.”, dinig nila na chika ng isang empleyado.

“Talaga? Kelan?”, usisa naman agad ng isa.

“Kahapon. Normal delivery yung bata, 9.2 .”

“Wow ang laki! Nakaya nyang inormal yun?”, komento ng isa pa.

“Gusto nga daw sya i-cs ng doktor. Di daw sya pumayag. Kaya naman daw nya. Eh magkano ba cs ngayon? Sobrang mahal. Kung saken yun, inonormal ko din.”

“Mga tao talaga. Kahit ano pinag-uusapan.”, natatawang sabi na lang ni Lia sa kasamang si Anet.

“Alam mo, hindi kumpleto ang buhay ng mga Pilipino kung walang tsismis.”, komento nito.

* * *

Mangilan-ngilan lang ang tao sa canteen. Sa isang sulok sila pumwesto.

“Diet ka?”, puna ni Lia dahil konti lang ang inorder ni Anet.

“Hindi naman.”, sagot nito. “Kelangan lang magtipid. Kasi alam mo na, sobrang mahal ng mga bilihin sa ngayon. Tapos ang sweldo, di pa rin nagbabago. Ang bigas nagmamahal.. manok, baboy, isda, mga gulay. Di na nga rin makapag-tuyo kasi parang lalo kang matutuyuan sa mahal. Ang gasolina, sobrang nagmahal, hindi naman sya nakakain o naiinom, bakit tayo kailangan mamroblema dun?”, himutok ni Anet.

“Subukan mong inumin yun ng matigok ka na.”, natatawang sabi ni Lia sa kaibigan. “Ganyan talaga pag krisis lahat tumataas, si Gloria na lang ang hindi. Lahat nagmamahal..”

“Ako na lang ang hindi?”, putol nito sa sasabihin pa sana niya.

“Ikaw ang nagsabi nyan.”, iwas ni Lia. ” Lam mo dapat iulam mo, daing. Puro ka kasi daing sa buhay.”

Pagkaraan ng ilang saglit ay bumalik na silang dalawa sa kani-kanilang workstation. Naging abala na si Lia ng tumawag ang kanyang sekretarya.

“Madam, andito na po yung galing sa agency na hinihintay nyo.”

“Ah ok, papasukin mo na lang. Salamat.”

Itinigil na muna ni Lia ang ginagawa at naghanda sa pag-interview sa kukuhanin niyang kasambahay.

Ilang sandali pa at pumasok ang isang babae.

Napaangat ang kilay niya sa hitsura nito. Ito ba ang mag-aapply ng katulong? Mas maganda pa ata ang postura nito kaysa sa kanya.

“Good morning ma’am.”, bati nito na todo ngiti.

“Good morning. Have a seat.”, ginantihan din nya ito ng ngiti at iminwestra ang upuan sa harapan. “I like your shoes.”

Nagside-comment pa sya sa red high heels nito.

“Thank you ma’am. Nagustuhan nyo po ba? Galing to sa dati kong amo eh. 1k po ata halaga nito.”

“Ah, binigay nya sayo?”

“Hindi po. Hiniram ko lang nung naglinis ako sa room nya. Nakalimutan ko po isauli.”

Sa sinabing iyon ay muntik ng mahulog ang folder na hawak ni Lia.

“So nagresign ka ba sa trabaho mo?”, tanong na lang ni Lia para maiba ang topic.

“Hindi po ma’am.”

“Natapos na ang contract mo?”

“Hindi rin po ma’am.”

Umangat ang kilay ni Lia. “Eh ang anong nangyari sa last job mo?”

“Natanggal po ako. Nakasunog po kasi ako.”, dere-deretsong sabi nito.

“Ano?!”, eksaheradong bulalas ni Lia. “Bakit ikaw ang pinadala dito, may record ka na pala.”

“Naku mam. Sinaing lang naman po ang sinunog ko. Pati po mga pinaplantsa kong damit.”, nahihiya nitong sabi.

Napabuntung-hininga si Lia sa narinig.

“Akala ko pa naman, kung anu na nasunog mo.”

“May alaga po kasi ako noon kaya hindi ko nababantayan ang iba kong ginagawa.”

“Ah, yun naman pala. Bakit ka nila tinanggal?”

“Kasi po, todo bantay ako sa ginagawa ko, yung alaga ko naman po ang nadisgrasya.”

Nasapo ni Lia ang ulo.

“Ha? Ano namang nangyari sa alaga mo?”, kinakabahan na si Lia.

“Namatay po.”, maluha-luha pang sabi nito. “Nakainom po kasi ng lason. akala siguro ni Cheska, inumin nya yun. Sayang, ang ganda pa naman ng balahibo nun.”

“Balahibo?”, nagtatakang tanong ni Lia na napaangat pa ang kilay. “May balahibo ang alaga mo?”

“Opo. Aso ang alaga ko. Bakit po mam?”

“Ha? Wala naman.” Naipikit ni Lia ang mata at napabuntung-hininga.

“Pero hindi na naman po yun naulit kasi inilalagay ko na po ang mga lason sa medicine cabinet.”, patuloy pa nito. “at saka mam, masipag din po ako magtrabaho. Depende po sa sweldo.”

“Ok.”, nagmulat si Lia ng mata at isinara ang folder.

“Tanggap na po ako mam?”, excited na tanong nito.

“Tatawagan na lang kita. Sige makakaalis ka na.”

“Ibig sabihin hindi po ako tanggap.”, nadismaya ito at tumayo. “sige po mam, salamat.”

Tumango lang si Lia at sinundan ito ng tingin hanggang sa makalabas.

“Bakit ba may mga ganyang tao sa mundo?”, naibulong niya sa sarili.

Pagod na pagod sya nung araw na iyon, pero hindi naman sya naging productive. Iniisip ni Lia kung bakit ba puro kamalasan ang nangyari sa kanyang araw at sumagad pa ng abutan nyang madilim ang buong kabahayan.

“Malas brownout!”, pakapa-kapa nyang tinungo ang kanyang kwarto.

Natapakan pa nya ang pusang nakaharang sa dinaraanan nya.

“Busseeetttt!.”, sigaw nya ng kalmutin sya nito sa paa.

TInungo nya agad ang kama ng makarating sa kwarto at pabagsak na humiga.

“Oh God. How i wish this day was only a dream.”

Matutulog na lang sya ng may parang narinig na tumatawag sa kanya..

“Lia, Lia.. bumangon ka na.. Ma-la-late ka na sa meeting mo.” may kasamang yugyog na pag-gising sa kanya ng kanyang nanay.

# # #

07-07-08

marRymhe

akingpanulat

Published by Mhey

faith can move everything :)

2 thoughts on “Isang Panaginip

  1. hello, mhey,

    anggaling mo sa details at sa nuancing. okey itong all-in-day’s-work na komposisyon mo. may ilan pa sigurong kailangang kinisin but generally, i’d say it’s very good. ^^

    meron din ako dating sinubukang ganyan, doon sa suspended blog ko. tungkol naman ‘yon sa last day ng pasok sa month of dec., bago mag-X-mas break. parang gan’to, ahaha. ^^

    keep on honing your craft. salamat sa dalaw and comments. best regards. 🙂

    1. salamat sa comment.. ^__^

      gusto kong malaman yang mga dapat pang kinisin.. tingnan ko kung sakto sa puna ko… ahihih
      pwede naman sabihin in private.. charot..
      but if you have time, you can e-mail me.
      akingpanulat@gmail.com

      many thanks sa laging pagbisita.. ^__^
      Godbless

Leave a comment