Kaibigan

 

“Minsan may mga bagay na akala natin ay hindi totoo.

Nakakapanghinayang lang dahil huli na ng malaman natin na hindi pala ito isang biro.”

“Marami nga akong gagawin. Tinatamad akong lumabas.”

Ipit-ipit ni Shey sa pagitan ng balikat at tenga ang kanyang cp habang nagliligpit ng kanyang plinantsang mga damit.

“Minsan lang naman ‘to Shey. Tayo-tayo lang naman nila Aria, Kevin, Aimee at Gio.”, pangungumbinsi ng kanyang kaibigang si Kieya.

“May bisita akong darating mamaya.”, pagdadahilan na lang niya.

“Gumagawa ka na naman ng dahilan eh.”

Naantala ang pagsagot niya ng makarinig ng katok.

“Sandali lang Key, tawagan na lang kita mamaya. Mukhang may bisita nga ako.”

Si Denver ang kanyang napagbuksan.

“O, hi! Pasok ka.”, niluwangan n’ya ang pagkakabukas sa pinto.

“Salamat.”, pumasok ito at ibinaba ang dalang box.

“Heto pala ‘yung invitation sa kasal. Pati ‘yung gown mo dinala ko na.”

Inabot ni  Shey ang isang sobreng tinalian ng laso. “Salamat. Kelan nga pala ulit ‘yung kasal?”

“Sa isang linggo na.”

“Ah ok.”, umiiwas ang tingin na sabi ni Shey. “ Ahm, anong gusto mong kainin? Pasensya na ah makalat ang bahay ko. Ngayon pa lang kasi ako nagka-time na maglinis.”

Nakita ni Shey na ngumiti si Denver.

“Lagi ka kasi busy. Bakit ‘di mo kaya subukan na maglibang paminsan-minsan. Magrelax ka. Para lalo kang gumanda sa araw ng kasal ko. Malay mo, dun mo na makita si prince charming na hinahanap mo.”

Tumawa s’ya ng pilit dahil sa narinig.

“Prince charming?”, tumingin siya kay Denver.

Nagtama ang kanilang paningin. Bagay na iniiwasan ni Shey. Hindi n’ya kasi gusto ang nararamdaman sa tuwing nagkakatinginan sila ni Denver.

“Siguro nga. Makikita ko s’ya dun.”, sabi ni Shey na iniwas ang tingin.

Maya-maya ay nagpaalam na rin si Denver.

“Sige Shey, may pupuntahan pa kasi kami ni Mia. Alis na ko”

“Hindi ka na magmemeryenda muna?”, alok n’ya ulit dito. “O Sige. Salamat ulit.”

Nakangiting hinatid n’ya ito palabas at sinundan ng tingin hanggang sa makaalis.

Pabuntong-hininga s’yang bumalik sa loob at naupo.

Tiningnan niya ang invitation at ang gown na pang-abay.

Maya-maya ay kinuha ang cellphone at pumindot ng numero.

“Hello Kieya. Saan tayo mamaya?”

&&

“Sino kaya ‘yung takot na takot kanina? Sumiksik pa talaga.”

“Pang-asar ka Kevin. Tumigil ka nga d’yan.”

Tawanan ang sumunod sa asaran at sagutan ni Shey at Kevin. Katatapos lang nila manood sa sinehan, gumala at maglaro sa mall, at ngayon ay nasa bahay nila Kieya para mag-foodtrip.

“Bakit nga pala ang bilis magbago ng isip mo? Akala ko ba may pupuntahan ka?”, curious na tanong ni Kieya.

Hindi na ‘ko natuloy. Nagbago din isip ng pupuntahan ko.”, simpleng sagot ni Shey.

Tiningnan ni Shey ang magiging reaksyon ng kaibigan at nakita n’ya ang pag-ismid nito.

“Pagamit ng cr .”, paalam n’ya upang maiwasan ang nanunuring tingin nito.

Akala n’ya ay maiiwasan na n’ya si Kieya. Nagulat na lang s’ya ng paglabas n’ya ng C.R. ay makita itong nag-aabang sa kanya.

“Wanna talk?”, hinila nito ang silyang katabi ng kinauupuan sa dining table.

Ilang segundo ding hindi umimik si Shey. Pagkaraan ay lumapit kay Kieya at umupo na rin.

“Hinatid ni Denver kanina ‘yung gown at invitation.”, walang ekspresyong sabi n’ya.

“Sabi na nga ba.”, nangingiting sabi ni Kieya. “How does it feel?”

“Wala. May dapat ba akong maramdaman?”

“Oh come on. Tayo pa ba ang maglolokohan dito Shanen May?”, hinawakan nito ang kanyang kamay. “Ok lang naman ‘yun eh.”

“Ikakasal na sila friend. Dati nga hinayaan ko na lang, ngayon pa kaya na lalagay na sila sa tahimik?”

“Ang problema kasi sa’yo, hindi ka naging tapat sa sarili mo. Hindi ka naging tapat sa kanya.”

Tumungo si Shey. Aminado s’ya sa mga sinabi ng kaibigan. Kaya nga lalo n’yang naisip na hindi s’ya dapat na malungkot sa nangyayari o makaramdam man lamang ng panghihinayang.

“Masaya na sila. Dapat na rin akong maging masaya para sa kanila.”, malungkot niyang sabi.

Mapang-unawang tiningnan siya ni Kieya. Pinisil nito ang kanyang kamay at bahagyang tinapik. Pagkatapos ay tumayo na ito at iniwan s’ya.

“Naiintindihan kita.”

Gulat na napalingon si Shey upang tingnan ang nagsalita. Si Kevin.

“Pwede ba kumatok ka muna bago magsalita. Aatakihin ako sa’yo.”

“Wala ka namang atake sa puso ‘di ba?”

Inirapan ito ni Shey. Ngumiti lang si Kevin.

“Ano namang naiintindihan mo?”, pagkaraan ay tanong ni Shey.

“Syempre, hindi din naman naglakas loob na magtapat sa’yo ‘yung lalake? Kaya hindi mo rin naipagtapat ‘yung nararamdaman mo.”

Tinitigan ni Shey si Kevin.

“Ano bang alam mo Vin?”, taas kilay na tanong niya.

“Oh come on. Tayo pa ba ang maglolokohan dito Shanen May?”

Sandaling hindi sumagot si Shey. Maya-maya ay isang kurot sa tagiliran ang ibinigay n’ya kay Kevin.

“Aray ko. Brutal ka pa rin talaga.”, hinimas nito ang tagilirang nasaktan.

“Pasaway ka kasi. Gayahin ba si Key.”, tiningnan n’ya ito ng masama. “Nakinig ka ba sa usapan namin kanina?”

“Wala akong narinig a.” Tinaas pa nito ang kamay bilang pagdepensa.

Nakatingin pa rin si Shey. Tinging nagdududa.

Bumuntung-hininga si Kevin at ibinaba ang mga kamay. “Oo na nga. Narinig ko. Pero konti lang.”

Umirap si Shey dito.

“May magbabago ba kapag sinabi mo?”, patanong na saad ni Kevin. “Marahil wala. Pero ang mahalaga, makakatulong iyon sa puso mo para makalaya. Dahil habang itinatago mo yan, maiipit ang puso mo. Hindi makakahinga. Ikaw rin. Mahihirapan ‘yan tumibok para sa iba. Sayang liligawan pa naman sana kita.”

Pabulong nitong sinabi ang mga huling salita.

“Ano ‘yun?”, tanong ni Shey.

“Wala. Sabi ko, magkaibigan naman kayo ‘di ba? At magaling kang sumegway. Gamitin mo ‘yun. Biruin mo lang kunwari s’ya. ‘Yung totoong biro.”

Matagal na nakatitig lang si Shey kay Kevin. Pagkatapos ay tumango-tango.

&&

“Congratulations nga pala.”

Lumingon sa kanya si Denver at tipid na ngumiti.

Ginantihan ni Shey ang ngiting iyon. Lumapit s’ya rito at tinabihan ito sa pag-upo.

“Ngayon lang kita nabati. Siguro dahil ngayon ko pa lang lubusang natanggap na ikakasal ka na.”, natatawang sabi n’ya. “Anong feeling ng isang groom-to-be?”

“Masaya.”, tipid nitong sagot.

Ngumiti si Shey.

“I’m happy for you Den. Dahil natagpuan mo na ang para sa’yo. Tama ako na mauuna ka pa sa ‘ken mag-asawa. ‘Yung akin kasi, antagal dumating.”

Tinitigan s’ya ni Denver.

“Meron namang dumadating, hindi mo naman pinapansin.”

“Anong hindi pinapansin? Hindi naman kasi sila nagpaparamdam.”

“Papaano kung natatakot silang magparamdam?”

“Bakit naman matatakot? Nakakatakot ba ‘ko? Hindi naman ako mukhang aswang a.”

Natawa si Denver sa reaksyon niya.

Pagkatapos ay sumeryoso ang mukha nito.

“Mataas ka para sa kanya.”

“Anong ibig mong sabihin?”, nagtatakang tanong niya.

Shey,” sabi nitong nakatingin sa kanya. “ Alam mo kung sino ka. Alam mo kung ano ka. At alam din ‘yun ng mga taong nakapaligid sa’yo. Mataas ang expectation nila sa magiging future mo.”

“Ano namang kinalaman nun sa pinag-uusapan natin?”, naguguluhang tanong ni Shey.

“Nakakaalangan kang ligawan.”

Pagak na tumawa si Shey.

“Ganun ba ‘yun? Para saan pa ang salitang pagsisikap kung natatakot naman pala sila dahil dun?”

Tahimik lang si Denver. Tumingin dito si Shey.

“Hindi ‘yun pagmamahal Den.”

Nagtatakang tumingin si Denver sa kanya. Nagpatuloy siya sa pagsasalita.

“Kung pagmamahal ‘yun, dapat iyon ang maging dahilan para lalo s’yang magkaroon ng pangarap na maging successful. Lalo s’yang magpakasipag at magsikap na mapaangat ang buhay n’ya. Dahil mahal n’ya ‘ko, gagawin n’ya akong inspirasyon. Gagawa s’ya ng dahilan para maging dapat s’ya sa’kin. Para hindi na s’ya ma-alangan.”

“Papaano kung kahit anong pagsisikap n’ya ay hindi pa rin sapat. Dahil masyadong mabilis ang pag-angat mo? At marami pa rin s’yang responsibilidad na dapat na gampanan.”

“Papaano kung hindi naman n’ya kailangan na tapatan ako? Papaano kung tanggap ko naman kung ano s’ya? Ang hirap kasi sa tao, maraming insecurities sa katawan. Kilala mo ako Denver. Hindi ako tumitingin sa estado ng pamumuhay. Masipag lang, ayos na sa akin.”

“Kilala kita Shey. Kaya nga.”, hindi nito itinuloy ang sasabihin.

Kaya nga ano?”

Umiling lang si Denver. “Darating din ang karapat-dapat para sa’yo Shey. Alam ko, hinahanap ka na n’ya ngayon.”

Tumango-tango si Shey. “Yeah, hinahanap na n’ya ako. Sana mahanap na n’ya ako ngayon.”

Katahimikan ang sumunod na pumailanlang. Tila nagpapakiramdaman lang ang bawat isa sa kanila. Naghihintayan na may bumasag ng katahimikan.

“Hindi ka mahirap mahalin Shey.”, si Denver ang unang nagsalita. “Kawawa ang mga lalaking hindi magiging maingat sa puso nila kapag ikaw ang naging kasama. Masyado ka kasing mapagbiro Shey. Ginagawa mong espesyal ang isang taong malapit sa’yo. At isa ka sa mga taong totoo ang ugali. Prangka ka. Kung ayaw mo, ayaw mo. At kung gusto mo, gusto mo talaga.

Maganda rin ang mga prinsipyo mo sa buhay. Kahanga-hanga ang buo mong pagkatao. Manhid na lang ang magsasabing hindi sila kailanman nagkagusto sa’yo.”

“So ibig sabihin, nagkagusto ka sa ‘kin?”, singit ni Shey sa pabirong tinig.

Tumingin si Denver sa kanya. Tingin na hindi n’ya magawang iwasan. Para itong magneto na humihigop sa kanyang pagkatao. Hinawakan siya nito sa pisngi. Lalo tuloy siyang hindi makagalaw.

“Bakit ba napunta na naman sa ganito ang usapan natin gf. Alam mo naman na ikaw lang ang babaeng minahal ko.”

Biglang pinalis ni Shey ang kamay nitong nakahawak sa pisngi niya.

“Puro ka naman kalokohan bf. Alam mo namang mahal din kita. Kaso ikaw eh, magpapakasal ka na sa iba.”

“Ikaw kasi gf. Naghahanap ka pa kasi ng iba.”

“Ako pa ngayon ang naghanap ng iba, eh ikaw ‘tong ikakasal na.”, pakiki-ride ni Shey. Ganito sila magbiruan ng kanyang kaibigang si Denver. “Wala na ba talaga tayong pag-asa?”

“Tinanong na kita dati Shey. Inakala mo naman na nagbibiro lang ako.”, sumeryoso ulit si Denver. “Sabi ko mahal kita. Pero nakikibiro ka din na mahal mo ako. At ang kasal namin ni Mia, ito ang hindi biro.”

Hindi makahuma si Shey. Totoo nga. Minahal s’ya ni Denver. Ni hindi man lamang n’ya naramdaman na totoo na pala ang kanilang mga biruan. Akala n’ya kasi wala lang ang mga iyon. At ngayon ay huli na ang lahat.

“Oh, bakit bigla kang sumeryoso?”, sabi ni Shey para itago ang sakit na unti-unti niyang nararamdaman.

“Wala. Hindi naman ako seryoso. Ikaw ang seryoso d’yan gf.”

Tumawa silang dalawa. Isang hilaw na tawa at isang totoo.

“Sige bf, alis na ko. Kita na lang tayo sa kasal mo.”

Hindi na hinintay pa ni Shey na magsalita si Denver. Walang lingod likod na umalis siya at naglakad palayo. Pilit na pinipigil ang emosyong kanina pa nagtatalo sa kanyang dibdib. Ngunit makalipas ang ilang sandali ay hindi na n’ya ito kinaya at unti-unti ng bumalam ang luha sa kanyang mga mata.

Lakad takbo ang kanyang ginawa. Gusto n’yang mabilis na makaalis sa lugar na iyon. Kung saan hindi s’ya matutunton ni Denver at ng ala-ala nito.

Sa pagmamadali at dahil sa pag-iyak ay nakabungguan niya sa pagliko si Kevin.

“Shey!”, pabiglang bigkas ni Kevin habang inalalayan s’ya upang hindi tuluyang matumba. “Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?”

Hindi sumagot si Shey. Patuloy pa rin ang pag-iyak na tumingin s’ya kay Kevin pagkatapos ay yumakap dito.

& &

Masarap ang pakiramdam ng naglalakad sa aisle. Habang tinitingnan mo ang matikas na groom na naghihintay sa unahan kasama ng kanyang bestman. Napakaganda ng ngiti sa gwapong mukha ng groom. Kitang-kita ang pagmamahal, kasabikan at kasiyahan sa mga mata nito.

Ngumiti si Shey. Ramdam na ramdam niya ang mga ngiti at tingin ng groom. Ngunit muntik ng mapawi ang mga ngiting iyon ng lampasan n’ya ang groom at makisali sa hanay ng mga abay na babae.

Nasaksihan niya ang paglapit ng bride. Napakaganda nito sa pangkasal na damit. Mababakas din sa maganda nitong mukha ang kaparehong damdamin na nakita niya sa groom kanina.

“Hindi dapat ako maging malungkot.”, saad ni Shey sa sarili.

Bumuntung-hininga siya at itinuon ang paningin sa harapan. Sa lupon ng mga dumalong mga lalaki ay nakita niya si Gio at Kevin. Nakangiti sa kanya ang huli. Tila ba sinasabing ngumiti siya at alalahaning ito ang araw ng kanyang paglaya.

Tama. Araw ito ng kanyang tuluyang paglaya. Nang mag-usap sila ni Denver noong isang araw ay pinalaya niya ang kanyang damdamin. Sinabi niya at inilabas ang lahat ng nakatagong mga nararamdaman upang magkaroon siya ng kapayapaan. Nakaramdam man ng kaunting panghihinayang dahil sa natuklasan, alam niya na ang masasaksihan na pag-iisang dibdib na ito ay ang makatutulong sa kanya upang mapalaya ang panghihinayang na iyon.

At pagkatapos ng lahat, makakaya na n’yang magsimula ulit at sumubok sa kung sinuman na darating.

Ngumiti siya. Nakita n’ya na tumango si Kevin at lalong lumawak ang pagkakangiti.

& &

“Kumusta ang pinakamagandang bridesmaid?”

Pagkatapos ng kaunting programa ay nilapitan ni Kevin si Shey.

“Ayos lang naman.”, nakangiting sagot niya. Inaya n’ya ito na maglakad papunta sa kinaroroonan ng mga kaibigan.

Ang ganda ng ngiti mo kanina.”, komento ni Kevin. “Sample nga ulit.”

Napatawa si Shey sa kakulitan nito.

“Salamat Kevin.”, bahagyang seryoso na sabi niya.

“Saan?”, maang na tanong nito.

Tumigil sa paglalakad si Shey at humarap kay Kevin.

Sa kakulitan mo. Alam mo, ikaw ang sumunod sa kakulitan ni bf.”, natatawang sabi niya.

Ibig sabihin, ako ang susunod na mamahalin mo?”

Nabigla si Shey sa tanong na ito. Papaano s’ya magrereact? Tatawanan na lang ba n’ya dahil baka biro din ito?

“Look Kevin. Allergic na ‘ko sa mga biruan.”, umiling-iling na nakangiti si Shey. Nagpatuloy siya sa paglalakad.

I’m not kidding.”, wika ni Kevin na sumunod sa kanya.

Kunwari ay hindi ito narinig ni Shey. Ngingiti-ngiti siya habang tinatanaw ang kaibigang si Kieya. Ngunit sumusulpot sa kanyang balintataw ang makulit na imahe ni Kevin na pilit na umaagapay sa kanyang mabilis na paglalakad.

Sinulyapan n’ya ito at natawa sa seryosong mukha nito. Binigyan n’ya ito ng isang matamis na ngiti. Nakita pa n’ya ang paglitaw ng magandang ngiti nito bago n’ya bawiin ang tingin at harapin sila Kieya.

“Bakit nga ba hindi natin seryosohin ito Kevin?”, sa isip ay sabi niya na lalong nagpatamis sa kanyang mga ngiti.

# # #

naniniwala ba kayo na lahat ng isinusulat ay may inspirasyon?

^_^

MarryMhey

Published by Mhey

faith can move everything :)

4 thoughts on “Kaibigan

Leave a comment